U_Spy: Bakit “LODI” si Jack Ma

Written by Rey Marfil

Dahil sa kaniyang hitsura na walang kaporma-porma at hindi naman kagwapuhan, kung makikita mo sa palengke ang mamang nagngangalang Jack Ma, baka hindi mo siya pansinin at iisipin mo lang tsong na karaniwang Instik lang siya na nakikita mo sa Binondo.

Pero ang katotohanan, si Jack ang isa sa pinakamayamang tao sa mundo na nasa likod ng pinakamalaking online commerce company na "Alibaba." At ayon sa Forbes magazine mga tsong, tinatayang nasa $38.3 bilyon ang kaniyang net worth.

Nasa bansa siya kamakailan para sa isang pagtitipon. At gaya ng ibang dinaluhan niya na nagbigay siya ng pananalita, aba'y patok at hitik sa aral ang kaniyang binibitawan. Walang palabok at talaga namang pakikinabangan lalo na kung nais mong magkaroon ng ispirasyon para umangat sa buhay.

Bakit ba naman hindi mapupuno ng pangaral sa bulsa ang mamang ito na mula sa China, aba'y sangkaterba yatang kabiguan ang inabot niya sa buhay bago siya nagtagumpay. In short, marami siyang hugot, marami siyang baon.

Sinong mag-aakala na ang isang multi-bilyunaryo na gaya ni Jack eh nag-aplay at hindi pala natanggap sa isang kilalang fast food chain. ng marami sa atin, naranasan din niyang pumili at mabilad sa araw para mag-aplay ng trabaho na kinalaunan ay hindi rin matatanggap.

Ang matindi, alam niya na mas mataas ang nakuha niyang iskor sa pagsusulit at matindi ang pagnanais niyang makapagtrabaho pero ang natanggap ay iyong mas mababa ang marka kaysa sa kaniya.

Pero ang mga sablay na karanasan daw na iyon ang naging dahilan para magiging matatag siya. Kaya nga nang simulan na niya ang pagnenegosyo, hindi na masakit para sa kaniya ang mabigo. At higit sa lahat, alam niya ang sarap ng tagumpay..

At ngayon siya na ang amo, ibinahagi naman ni Jack na para maging matagumpay, hindi lang daw dapat mataas IQ o intelligence quotient, o matalino , dapat mataas din daw ang emotional at love quotient.

Ang dahilan niya, kung mataas ang EQ at LQ ng isang tao, alam niya kung papaano makikisama at damdamin ng kaniyang mga kasama sa trabaho. May katwiran nga naman ang mama, aba'y kung feeling mo na hari ka at alam mo lahat at hindi ka marunong makibagay sa mga kasama mo, baka iwan ka nila. Mabuti sana kung kaya mong patakbuhin na mag-isa ang kompanya.

Pinayuhan din niya ang mga kabataan na dapat alam daw nila kung hanggang saan ang kanilang kayang isakripisyo para makamit ang kanilang mga pangarap. At sa pag-abot ng pangarap, kasama ang tagumpay at kabiguan. Dapat maging malinaw daw kung ano ang gusto o para malaman mo rin kung ano ang pakakawalan mo.

Sa mga kabataan ngayon na naiinip at nadi-depress sa mabagal na angat ng kanilang career, hinay-hinay lang at huwag isipin na katapusan na ng mundo.

Sa isang dati niyang pananalita, sinabi niya na kahit maganda nga naman ang magbahagi ng mga istorya ng tagumpay, mas maganda pa rin daw ang magbahagi ng kabiguan dahil dito ay mas marami ang matututo para magtagumpay. Hindi ba talagang ka-lodi-lodi siya?

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)